4 Ways to Get Rid of Cramps During Red Days - Tamang Alaga
Make menstrual cramps less painful with these tried-and-tested tips.
Make menstrual cramps less painful with these tried-and-tested tips.

4 Tips Para Maagapan ang Menstrual Cramps

Para sa maraming kababaihan, ang isang palatandaan na dumating na (o parating na) ang kanilang monthly period ay ang namimintig na pananakit sa puson, likod, at hita. Ang menstrual cramps o tinatawag ding dysmenorrhea ay maaaring tumagal ng 12 hanggang 72 oras, at maaaring mangyari kasabay ng iba pang sintomas tulad ng pagduduwal, pananakit ng ulo, at pagkahilo.

Ang period cramps ay dulot ng pagbabagong nangyayari sa iyong katawan, na kadalasan konektado sa isang kemikal na tinatawag na prostaglandin. Dahil dito, ang iyong muscles ay nagco-contract at nagdudulot ng cramps, na nagiging sanhi ng sakit sa matris o uterus. Minsan, ang mga cramps ay maaaring dulot rin ng mga sakit tulad ng endometriosis, uterine fibroids, o pelvic inflammatory disease.

Sa isang pagsusuri mula 2014,natuklasan ng mga mananaliksik na ang dysmenorrhea ay maaaring mangyari sa 16% hanggang 91% ng mga babaeng nasa edad ng pagbubuntis o pagiging reproductive, at 2% hanggang 29% ng mga babaeng ito ay may posibilidad na dumanas ng matinding sakit.
Kung nahihirapan sa mens at ng cramps na kasama nito, tandaan ang sumusunod na tips at remedyo sa ibaba.

Uminom ng gamot kung kinakailangan.

Maaaring uminom ng gamot sa simula palang ng iyong monthly period o sa sandaling makaramdam ng cramps. Ilan sa mga gamot na makakatulong kontra sa period cramps ay mga pain reliever gaya ng ibuprofen, naproxen sodium, o nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) tulad ng mefenamic acid. Maaari ka ring maresetehan ng ibang gamot.

Subukang mag-ehersisyo kung kaya mo.

Sa unang tingin, mukhang “counterproductive” ang ehersisyo dahil masakit ang iyong katawan. Pero alam mo ba na makakatulong ito sa pagbabawas ng sakit ng menstrual cramps? Nangyayari ito dahil sa endorphins o mga hormone na nilalabas ng katawan tuwing nageehersisyo.

“Hinaharangan” ng hormones na ito ang pain receptors ng utak at itinataboy ang pain signals na nagmumula sa matris. 

Ang ehersisyo ay nakatutulong din sa pagpapabuti ng sirkulasyon ng dugo. Sa puntong ito, ang iyong matris ay dumadaan sa contraction at cramping. Dahil dito, nababawasan ang daloy ng dugo at nagiging sanhi ito ng sakit sa katawan. 

Kung interesado, subukan ang yoga, paglalakad, o light jogging tuwing red days mo para maiwasan ang masakit na period cramps. Siguraduhin lang na uminom ng maraming tubig, at makinig sa iyong katawan upang mabawasan ang panganib ng injuries at ang labis na pag-eehersisyo.

Uminom ng chamomile tea.

Base sa ilang mga pag-aaral, nai-uugnay ang halamang chamomile sa iba't ibang mga epekto sa pag-alis ng sakit. Sa isang pag-aaral noong 2019 , nabanggit na ang chamomile ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa pagtugon sa premenstrual syndrome (PMS) dahil mayroon itong mga compound na tumutulong sumuporta sa anti-inflammatory, antispasmodic, at anti-anxiety benefits.

Maglagay ng hot compress sa apektadong lugar.

Binigyang-diin sa isang pag-aaral noong 2018 na ang paraang ito ay subok na’t maasahan ng mga babaeng dumaranas ng menstrual cramps. Nakakatulong ang init sa pagbabawas ng muscle tension, pagpapa-relax ng abdominal muscle, at pag-agap ng sakit dulot ng muscle spasm, congestion, at pamamaga. 

Dahil dito, ang paglalagay ng hot compress, heating pad, o bote ng mainit na tubig sa tiyan o lower back ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng period cramps. Maaari mo ding subukang maligo gamit ang maligamgam na tubig upang mabawasan ang pananakit na kasama ng monthly period.

Kung nagpapatuloy pa rin ang pananakit ng puson o cramps sa kabila ng pagsubok sa alinman sa mga nabanggit na remedyo, kumunsulta kaagad sa isang doktor. Posible na ang mga cramps na ito ay sintomas na ng isang mas malalang kondisyon na maaaring makaapekto sa iyong kalusugan kung hindi maagapan kaagad.


References:

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/4148-dysmenorrhea

https://www.webmd.com/women/guide/menstrual-pain

https://www.webmd.com/drugs/2/drug-11586/mefenamic-acid-oral/details

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/menstrual-cramps/symptoms-causes/syc-20374938

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/menstrual-cramps/diagnosis-treatment/drc-20374944 

https://www.medicalnewstoday.com/articles/157333

https://www.medicalnewstoday.com/articles/326364

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/labs/pmc/articles/PMC6970572/

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/labs/pmc/articles/PMC6214933/

https://www.researchgate.net/publication/286965003_Chamomile_tea_for_relief_of_primary_dysmenorrhea

https://womenscarefl.com/health-library-item/how-to-relieve-period-cramps/ 

https://www.nationwidechildrens.org/family-resources-education/health-wellness-and-safety-resources/helping-hands/yoga-exercises-and-menstrual-cramps